Food packs hatid sa mga pamilyang nasalanta ni Tisoy

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 04:52 PM | Updated as of Dec 06 2019 06:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nananatiling positibo ang single mother na si Mary Anne Estera kahit isa ang kanilang lugar ng Gubat, Sorsogon sa mga nasalanta ng nagdaang bagyong Tisoy.

Ang nag-iisang parol na nabasa noong bagyo ang idinekorasyon niya kahit hindi pa tuluyang naaayos ang kanilang bahay.

"Kahit na binagyo, may Pasko pa rin. 'Yon ang diwa ng Pasko," ani Estera.

"Masaya pa rin kasi sama-sama, walang nangyari... dapat magsaya pa rin," dagdag niya.

Trapal muna ang itinapal ni Estera sa dingding na tinangay ng along humampas sa kanilang bahay sa Barangay Buenavista.

Katulong ngayon ni Estera ang kaniyang may edad nang ama habang ang mga anak ay nasa Maynila at hindi madalas nakakauwi tuwing Pasko.

"Sana ngayong Pasko umuwi kayo para magkasama-sama tayo," sabi ni Estera bilang mensahe sa kaniyang mga anak.

Hiling din ni Estera na matulungan sila sa pagpapaayos ng kanilang bahay.

Hindi naman naiwasan ni Susan Gabuyo na maluha dahil hindi raw niya alam kung saan kukuha ng pampaayos ng bahay matapos bagyuhin.

"Wala kaming pera, binagyo pa kami. Tiis-tiis kami, hindi ako nakapasok [nang] isang linggo, may trabaho ako pero inuna ko 'yong bahay namin," ani Gabuyo.

Pinagpaplanuhan na ng pamahalaang lokal ng Gubat ang pag-relocate sa maraming residenteng nakatira malapit sa dagat matapos masira ang mga ito ng bagyo.

"So mayroon tayong assistance from the provincial and municipal government para sa mga nasiraan ng bahay," ni Gubat Mayor Sharon Escoto.

Umalalay din ang ABS-CBN Sagip Kapamilya sa mga nasalanta ng bagyo at nagbigay ng paunang tulong na food packs para kahit papaano ay mairaos ang mga unang araw ng pagbangon ng mga residente.

Bukod sa Gubat, naghatid din ang Lingkod Kapamilya ng tulong sa ilang barangay sa Albay, Samar, at Mindoro.

Nasa 4,237 pamilya ang nabigyan ng food packs, base sa tala ngayong Biyernes.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.