2 scalper timbog sa pagbebenta ng SEA Games tickets sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 08:12 PM

Dalawang lalaki ang inaresto Huwebes sa venue ng isang laro ng Southeast Asian (SEA) Games sa Pasig City dahil sa pagbebenta umano ng mga tiket nang mas mahal sa orihinal na presyo, ayon sa pulisya.

Sa ulat, kinilala ng National Capital Region Police Office ang mga suspek bilang sina Ernesto Castillo, 42, at Romeo Bunani, 45.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang Eastern Police District special operations unit (EPD-DSOU) na may talamak na bentahan ng mahal na tiket para sa volleyball game sa pagitan ng Pilipinas at Thailand, na idaraos sa PhilSports Complex.

Dinampot ng mga awtoridad ang mga suspek matapos bentahan ng mga ito ang mga operatibang nagpanggap ng buyer, ayon sa ulat ng NCRPO.

Ibinenta ng mga suspek sa mga operatiba ang general admission ticket sa halagang P500 kahit P50 lang talaga ang presyo nito, sabi ng pulisya.

Nakadetene sa Pasig City Custodial Facility ang mga suspek, na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.