14 dayuhang babae, nasagip sa human trafficking sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 06:49 AM

MAYNILA—Nasagip ng mga pulis ang 14 na babaeng banyaga nang pasukin nila ang isang condominium sa Parañaque City Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Brig. Gen. William Macavinta, hepe ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), nakatanggap ng e-mail ang kanilang tanggapan mula sa isa sa mga babae na nananawagan ng tulong dahil sinasaktan umano ito.

Nakipag-ugnayan sila sa Parañaque City police at sa city social welfare and development office para sa operasyon.

Naabutan nila ang mga babae na natutulog sa magkakahiwalay na unit ng condo sa Roxas Boulevard.

Sa pagtala ng pulis, 10 sa mga babae ay Chinese, 3 ang Vietnamese at 1 ang Hapones.

Tanging ang nagpadala ng e-mail ang nakakaintindi ng Ingles sa grupo.

Kuwento nito sa mga pulis, pinangakuan sila ng trabaho rito sa Pilipinas pero pagdating dito ay ibinubugaw sa mga kliyente sa hotel.

Kapag hindi sila sumunod ay sinasaktan sila, gaya ng pinakitang mga pasa sa katawan ng babae sa mga pulis.

Inaresto naman ang isang lalaking Chinese na nagsisilbi umanong caretaker ng mga unit. Nahaharap siya sa kasong human trafficking.

Inaalam pa ng pulisya ang kuwento ng ibang mga babae sa pamamagitan ng interpreter.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.