'Na-excite' sa pagsikwat, naiwan ang cellphone, nahuli

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang kawala sa mga pulis ang isang bagong empleyado ng aluminum glass company na nakitang nagnanakaw ng P100,000 mula mismo sa kompanya.

Kita kasi sa CCTV ang lalaki na si Christian del Rosario na tila nag-aayos sa kaniyang lamesa at kunwaring may nililipat-lipat na mga dokumento.

Pero ang mata niya ay nakatingin pala sa gilid kung saan nakapuwesto ang kanilang kaherang babae.

Maya-maya ay nagpatong ng P100,000 halaga ng naka-bundle na pera ang kahera sa kaniyang lamesa at pansamantala itong iniwan doon.

Pagsapit ng lunch break ay panandaliang umalis ang kahera at dito nakahanap ng tiyempo si Del Rosario.

Sa CCTV makikitang naglabas ang suspek ng maliit na basket, pumunta sa lugar ng kahera, dinampot ang cash bundle at bumalik sa kaniyang puwesto para isilid sa bag ang pera.

Sa video mapapansing excited at nataranta na ito, kaya't naiwan tuloy malapit sa kahera ang kaniyang itim na cellphone.

Pagbalik ng cashier ay wala na ang pera at naglaho na rin si Del Rosario. Hindi na ito pumasok matapos ang insidente.

Nang dumulog sa pulisya ang kompanya, agad namang naaresto ang suspek.

"P21,000 na lang ang na-recover kasi nakapamili na raw siya ng grocery pang-Christmas," ani Senior Inspector Val Valencia ng Abad Santos police.

Lumutang naman ang ilan pang reklamo ng pagnanakaw laban kay Del Rosario matapos i-post ng kompanya sa social media ang insidente.

Napag-alaman ng Manila Police District na nakakalusot lang ang suspek dahil binabayaran niya ang mga ninakawan niya noon kaya pinayuhan nila ang mga biktima na huwag nang makipag-areglo.

Kinasuhan na ng qualified theft si Del Rosario. —Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.