9 patay matapos uminom ng lambanog; sample nakitaan ng methanol

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 07:53 PM | Updated as of Dec 06 2018 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siyam ang patay matapos umanong malason sa pag-inom ng lambanog sa magkakahiwalay na insidente sa Calamba at Sta. Rosa, Laguna. 

Apat ang namatay habang isa ang kritikal nang uminom ng lambanog sa Barangay Pooc sa Sta. Rosa, Laguna noong Sabado. 

Kinilala ang mga nasawi na sina Severino Callos, Herminio Caramay, Roy Basbas, at Gonzalo Latore, na nag-inuman noong Sabado at nakaramdam kinabukasan ng pananakit ng tiyan, dahilan para isugod sila sa ospital, kung saan sila magkakasunod na namatay. 

Gayundin ang nangyari sa Barangay Sucol, Calamba, Laguna kung saan limang magkakaibigan ang namatay sa magkakahiwalay na mga insidente. 

Unang namatay si Jonathan Barceta noong Nobyembre 29, habang namatay naman sina Jesus Ulanday, Roderick Martinez, Cornelio Opulencia, at Nestor Mancay nang uminom ng lambanog sa lamay ni Barceta. 

Kuwento ng nanay ng biktimang si Pricila, napansin niyang tumitirik ang mata ng anak at hindi na ito nakapag-almusal isang araw matapos umanong uminom ng lambanog kasama ang mga kaibigan.

Matapos ang lamay ni Barceta, isa-isa nang nakaramdam ng iba't ibang sintomas tulad ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, paninikip ng dibdib, at panlalabo ng mata sina Ulanday, Martinez, Opulencia, at Mancay hanggang sa mamatay. 

Isang brand ng lambanog 
 
Sa imbestigasyon ng Calamba City Health Office, lumalabas na iisang brand lamang ng lambanog ang ininom ng mga biktima sa Calamba at Sta. Rosa. Pero hirap umano silang matunton ang manufacturer dahil wala itong address, Food and Drug Administration registration, at manufacturing date. 

Para naman sa asawa ng isa sa mga nabiktima, dapat managot ang mga gumawa ng nasabing alak. 

"Dapat naman managot sila sa mga naulilang pamilya katulad ko, tatlo anak ko maliliit pa," ayon kay Michelle Martinez, na naulilang asawa ni Roderick. 

Sabi ni Vilma Caramay, na kapatid ni Herminio Caramay, methanol, na nakalalasong uri ng alcohol ang nahalo sa lambanog na nainom ng mga biktima.

Kaugnay ng insidente. pinatigil na ng City Health Office ng Calamba ang pagbebenta ng lambanog sa buong lungsod. 

Watch more in iWant or TFC.tv

 ILANG SAMPLE NAKITAAN NG NAKALALASONG SANGKAP 

Sa pagsusuri na ginawa ng Food and Drug Administration, nagpositibo sa methanol ang ilang lambanog na nasuri ng ahensiya mula sa ilang siyudad. 

Isinagawa ang pagsusuri kaugnay ng isa pang insidente sa Novaliches, Quezon City noong Lunes kung saan 4 na tricycle driver ang namatay dahil din umano sa ininom na lambanog. 

Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ni FDA Director-General Nela Charade Puno na nagpositibo sa methanol ang mga nakuhang sample mula sa San Antonio - Magalang, Pampanga, Luciana, Laguna, at San Jose - Tagbak, Antipolo na sinuri nila bago pa makuha ang sample ng alak sa insidente sa Quezon City. 

Ayon kay Puno, maaaring hindi tama ang pagkagawa sa lambanog kaya nahalo ang methanol content nito sa ethanol, isang uri ng alcohol sa alak na ligtas inumin. 

"Kung sa bahay niyo ginawa at wala kayong technology for that, 'yung nakakamatay humahalo doon sa ethanol na normal na alcohol," ani Puno. 

Paliwanag niya, hindi agad matutukoy kung nalalason ang katawan kapag nakainom ng lambanog na may methanol dahil walang pagkakaiba sa pagkakalasing ang sintomas nito. 

"Kapag methanol po ang inyong alak, [mapa-lambanog] o tuba, in 12-24 hours niyo pa malalaman kung kayo ay nalalason," aniya. 

Maaaring magdulot pa ng multiple organ failure, pagkabulag, coma, at kalauna'y kamatayan ang pag-iinom ng alak na may mataas na methanol content. 

Kung bibili ng lambanog, dapat daw sa babasaging bote nakalagay at hindi plastik dahil maaaring humalo ang kemikal sa plastik sa inuming alak. Nagpaalala din ang FDA na seguraduhing ligtas ang mga bibilhing pagkain at inumin lalo na't papalapit na ang Pasko. 

Nag-iikot na ang mga tauhan ng FDA para kumpiskahin ang mga ibinebentang lambanog na hindi rehistrado.

-- Ulat ni Dennis Datu at Raphael Bosano, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.