Inaresto ng National Bureau of Investigation sa Pasay City ang isang babae na umano ay ilegal na nag-aalok ng trabaho sa China.
Hinuli ng NBI Special Action Unit ang suspek na si Rowena Quiray sa opisina nito matapos tanggapin ang P510,000 na entrapment money mula sa tatlong aplikanteng domestic helper.
Nangako umano si Quiray sa tatlo ng trabaho sa China na may sahod na P56,000 kada buwan pero nabatid kalaunan na ilegal pala ang trabaho dahil tourist visa lang daw ang kinuha ng suspek para sa mga biktima.
Nabatid din na isa sa mga napalipad ni Quiray ay nakulong ng dalawang buwan sa lungsod ng Shenzhen, China matapos salakayin ng mga pulis doon ang tinitirhan nitong accommodation house habang naghihintay ito ng trabaho roon.
Pero ayon kay Quiray, tinulungan lang niya ang mga naghahanap ng trabaho at pinilit lang daw siya ng mga ito na ipasok sila sa China.
Nagpaalala si NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongallo sa mga aplikante na laging tiyakin kung accredited ng Philippine Overseas Employment Administration ang mga recruiter.
Ikinulong si Quiray sa kasong large-scale illegal recruitment.
--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, estafa, illegal recruitment, trabaho, China, NBI, National Bureau of Investigation, hanapbuhay, trabaho, TV Patrol, Niko Baua