1 patay sa away sa tagay

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 04:34 PM

ZAMBOANGA CITY - Patay ang isang 70-anyos na lalaki matapos hatawin ng palakol ng anak ng kanyang kinakasama dahil lamang sa isang basong tuba (coconut wine), sa Barangay Bolong, Zamboanga City.

Nagtamo ng matinding pinsala sa mukha ang magsasakang nakilalang si Sulpicio Noyad. Agad namang nahuli ang suspek na si Guilbert Madera na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente, magkasamang naginuman si Noyad at ang suspek Lunes ng gabi.

Nauwi sa pagtatalo ang inuman ng dalawa na kapwa lasing na umano sa mga oras na iyon. 

Ayon sa pulisya, nagalit umano ang biktima sa suspek matapos inumin nito ang huling baso ng tuba na dapat ay sa kanya.

Nauwi ang pagtatalo sa suntukan. Kumuha umano ng kutsilyo ang matanda habang dinampot naman ng suspek ang palakol na siyang ginamit upang hatawin ang biktima sa mukha.

Agad tumakas ang suspek habang dead on the spot naman ang matandang biktima. 

Sa follow-up operation nahuli ang suspek.

Panay naman ang hingi ng tawad ng suspek sa pamilya ng biktima. Hindi niya umano sinadyang patayin ang biktima. 

Desididong ang pamilya na kasuhan ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.