5 masahista, tiklo sa higit P400,000 halaga ng ilegal na droga

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 10:22 PM | Updated as of Dec 04 2019 10:34 PM

RIZAL, Zamboanga del Norte – Timbog sa ikinasang drug buy-bust operation ang limang masahista matapos makuhanan ng libo-libong halaga ng ilegal na droga sa Barangay Napilan sa bayan ng Rizal, Zamboanga del Norte Martes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Gretchen Loquillano alyas Jopay Grace, Mary Jane Lapas, Mariz Padilla, Reggie Pardello, at Kristine Adorna.

Nakabili ang mga operatiba ng P1,000 halaga ng iligal na droga mula kay Loquillano at isa pang kasama nito na agad nakatakas nang makahalata sa operasyon.

Ayon sa hepe ng Rizal Police Station na si Police Captain Ronald Allan Tinggas, inabutan pa nila ang mga suspek na gumagamit umano ng droga.

Dumadayo lang umano sa lugar ang mga suspek para maghatid ng ilegal na droga.

Dalawa sa mga suspek ay taga-Pagadian City, may isang taga-Ozamiz City, at ang dalawa naman ay taga-Cagayan de Oro City.

Patuloy pa ang pag-iimbestiga ng awtoridad kung saan ang pinanggagalingan ng droga dahil bukod sa nabiling P1,000 halaga ng droga, kumpiskado din ang pitong malalaking pakete pa ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P400,000.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek habang patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang kasamahan nila na nakatakas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.