PNP nagbabala sa mga nagpapakalat ng 'fake news' ukol sa serye ng kidnapping

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 06:13 PM | Updated as of Dec 02 2019 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga netizen na nagpapakalat ng mga post na may nangyayaring serye ng kidnapan sa Metro Manila at ipinagbibili ang mga lamanloob ng mga biktima.

Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, bagaman may lumabas na CCTV footage ng mga umano ay pagdukot sa mga kabataan, hindi pa beripikado kung saan at kailan ito nangyari, at kung totoo bang insidente ng pagdukot ang mga ito.

May mga lumabas din aniyang video ng mga batang tinanggalan ng mga lamanloob o internal organ pero hindi rin ito beripikado.

Lumilikha ang mga nasabing post ng panic o takot sa publiko, na paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil pagpapakalat din ito ng fake news, ayon sa PNP.

Mas nakabubuti raw na huwag nang i-share sa social media ang mga post.

Kung mayroon nawawalang kakilala, dapat daw itong isumbong sa pulisya.

Kaugnay ng 9 kabataang naiulat na nawawala sa Pasay City, sinabi naman ni Banac na iniimbestigahan pa ng National Capital Region Police Officer ang mga insidente at hindi pa tiyak kung ang mga ito ay insidente ng kidnapping.

Tiniyak naman ni Sen. Ronald dela Rosa, dating hepe ng PNP, na walang dapat ikatakot ang publiko.

Noong panahon niya bilang PNP chief, kumalat din daw ang parehong balita na may serye ng kidnapping pero napatunayang walang katotohanan ang mga ito.

Kaugnay naman ng insidente sa Pasay, sinabi ni Dela Rosa na may lead na ang PNP ukol dito pero tumangging ibunyag kung ano ito.

Tumanggi ring magbigay ang Pasay police ng update habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang tao. -- Ulat nina Jerome Lantin at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.