Mga manggagawang di bibigyan ng 13th month, hinikayat magsumbong

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2018 06:34 PM

Hinimok ngayong Linggo ng isang labor leader ang mga manggagawa na idulog sa kanila ang mga reklamo laban sa mga employer na hindi nagbibigay ng 13th month pay.

Sa panayam ng DZMM, hinikayat ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) spokesperson Alan Tanjusay ang mga manggagawang hindi nabibigyan ng naturang benepisyo na lumapit sa kanila para mapatawan ng legal na aksyon ng Department of Labor and Employment ang mga employer o kompanya.

Nagbabala si Tanjusay na may pananagutan sa batas ang mga employer o kompanyang hindi nagbibigay ng 13th month pay.

Posibleng patawan ng malaking multa hanggang sa mauwi sa pagkakasara ang mga kompanyang lalabag sa batas tungkol sa 13th month pay, ani Tanjusay.

Dapat din daw ay matanggap ito ng mga manggagawa bago matapos ang taon at iba pa raw ang 13th month pay sa Christmas bonus.

Ang 13th month pay ay isang benepisyo para sa mga manggagawa na ipinag-uutos sa ilalim ng Presidential Decree No. 851.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.