Biglang-lobo sa mga bill, inireklamo ng ilang konsumer ng Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2018 06:13 PM | Updated as of Sep 08 2019 12:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sentro ng usapan sa komunidad nina Jasmin Olaybar sa Malate, Maynila ang paglobo ng bill sa tubig ng ilan sa kanila simula nang palitan ang kanilang metro ng Maynilad.

Sa kaso nina Olaybar, nagpatong-patong pa ang aberya dahil napagpalit ng Maynilad ang reading ng dalawa nilang metro, ang isang para sa residential at isang semi-business, na mas mahal ang rate.

"Iyung dating P1,800 lang sa bahay, nag-shoot up siya bigla ng P4,000 dahil ang dami namin gumamit eh. Iyun pala semi-business ang reading kaya dumoble, mahal," hinaing ng ginang.

Inamin naman daw ng Maynilad ang pagkakamali ngunit natagalan sila bago naayos ang problema.

"Ang tagal nilang aksiyonan. Umabot kami ng apat na buwan na ganon. Ngayon lang sila nag-reply sa'min eh," aniya.

Sina Christopher Bayani naman, ang dating bill na hanggang P400 ay naging P1,000 na.

Nag-report na raw siya sa Maynilad pero wala namang pumupunta.
    
Kutob niya, nagkapalit-palit din ang reading ng metro niya.

"Iyung serbisyo nila ayusin nila, nagbabayad naman kami nang tama eh."

Sinagot naman agad ng Maynilad ang paratang ng mga residente na pagkakapalit-palit ng reading sa metro nila.

"Pina-tingnan namin 'yung ganong problema, napakaliit at medyo isolated. Sa South Manila, Pasay area alone kung nasan si Mrs. Olaybar, halos 0.3 percent lang," paliwanag ni Zmel Grabillo, opisyal ng Maynilad.

Naayos na rin umano ng Maynilad ang problema nina Olaybar.

"Kaya lang mangangailangan siyang magbayad ng P1,843.31 kasi ang nangyari, nagkaroon ng revision 'yung isa at mas bumaba 'yung bill niya, at mas lumaki 'yung isa. Kulang pa rin ang bayad niya."

Nangako rin ang Maynilad na pagagandahin ang feedback mechanism at pag-aksiyon sa mga reklamo ng kanilang kostumer.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.