Higit 700,000 nakatanggap ng 'delikadong' dengue vaccine

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2017 10:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 700,000 na ang nabigyan ng Dengvaxia o bakuna kontra dengue na sinasabing delikado para sa mga hindi pa nagkakaroon ng nasabing karamdaman. 

Sa tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa 733,713 ang nabigyan ng dengue vaccine pero hindi naman "at risk" o nasa peligro ang lahat ng mga ito.

Paliwanag pa ni Dr. Lyndon Lee Suy ng DOH, nasa walo hanggang 10 porsiyento ang "at risk" base sa kanilang datos.

"Base po sa data natin, roughly around 8 to 10 percent po no'ng mga nabakunahan po iyon. So hindi po lahat ng 700,000+ ang at risk ng severe dengue," ani Suy.

Nanindigan din ang DOH na walang dapat ipangamba ang mga magulang at patuloy pa rin ang kanilang pakikipag-usap sa World Health Organization (WHO) at Sanofi Pasteur ukol sa isyu.

“Safe pa rin ang bakunang ito. Huwag po kayong mangangamba. Ang Department of Health po ay nasa ibabaw ng issues na ito,” paniniguro ni Health secretary Francisco Duque III.

Ipinatigil na rin muna ng DOH ang kanilang dengue immunization program matapos lumabas sa pag-aaral ng manufacturer nito na Sanofi Pasteur na maaaring magkaroon ng mas malalang dengue infection ang mga nagpabakuna na hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Bukod dito, ipinag-utos ni Health secretary Duque na paigtingin pa ang surveillance at pagbabantay sa mga naturukan na ng vaccine.

"Focusing on, again, surveillance. Talaga pong napakaimportante ang surveillance and then monitoring, investigation, and reporting," ani Duque.

Pero paliwanag ng DOH, may 30 buwan pang proteksiyon ang mga nakapagpabakuna at nakakumpleto ng 3 doses kahit hindi pa nagkakaroon ng dengue dati at pagkatapos lang ng panahong iyon posibleng makita ang sinasabing "severe dengue."

Ayon naman sa Food and Drug Administration, hindi rin muna maaaring ibenta ang mga bakunang nasa merkado na. 

Hiling din ng DOH sa Sanofi na linawin kung ano ang ibig sabihin ng severe dengue disease na maaaring makuha. 

Magkakaroon naman ng pagpupulong ang WHO Strategic Advisory Group of Experts tungkol sa bagong development na ito at doon maghihintay ng rekomendasyon ang DOH sa susunod nilang hakbang.

Nakatakda ring mag-imbestiga ang Senado tungkol sa kontrobersyal na dengue vaccine. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.