Empleyado ng DTI pinagsasaksak, tinangayan ng kotse sa Imus

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2018 06:02 PM | Updated as of Sep 08 2019 12:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay nang pagsasaksakin ang isang empleyado ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Imus, Cavite nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima bilang si Julius Andrew Dizon, na pinaniniwalaaang pinatay ng taong kinontrata niya na gumawa ng kaniyang bahay na si Ronnie Libid.

Miyerkoles ng gabi nangyari ang krimen. Tinangayan pa umano ang biktima ng sasakyan.

Ayon kay Imus City police chief Superintendent Junar Alamo, nagtatalo umano ang dalawa kung bakit hindi pa nagagawa ang bahay kahit nakompleto na ang binayad ng biktima, Nauwi ang pagtatalo sa pananaksak.

Naisugod pa si Dizon sa ospital at nabanggit pa umano sa kaniyang ina at sa mga pulis kung sino ang salarin.

Nagtamo ng 50 saksak si Dizon sa katawan. Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Kinondena ni Trade Undersecretary Ruth Castelo ang insidente, at umapela sa mga awtoridad na bilisan ang pagresolba sa kaso.

“Isang buhay ang nasayang. May double masteral degree [siya], very professional... Isa [siya] sa pinakamagagaling na personnel ng DTI," ani Castelo nang tanungin tungkol sa biktima.

“Nag-aapela tayo sa law enforcers natin kay [Philippine National Police chief Director General Oscar] Albayalde na make sure we bring justice to the family,” dagdag niya.

Nanawagan naman si DTI Consumer Protection and Advocacy Bureau Director Dominic Tolentino sa suspek na sumuko na sa awtoridad.

Sasampahan si Libid ng mga kasong murder at carnapping.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.