Away-negosyo sinisilip na motibo sa Subic slay

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2018 06:23 PM | Updated as of Nov 30 2018 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinututukan ngayon ng pulisya ang posibleng labanan sa negosyo bilang pangunahing motibo sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin noong Miyerkoles. 

Ito ay batay na rin sa pahayag ng isang empleyado ni Sytin na sinabing nakatanggap na ng banta ang kaniyang boss ilang araw bago ang pamamaslang. 

"One of them revealed Mr. Sytin received a threat from another involved or engaged in the same industry... Ang threat is parang hindi habang buhay ay nasa poder o hindi habang buhay merong pera at may katapat ka rin, isang bala ka lang," ani Chief Superintendent Joel Coronel, hepe ng Police Regional Office 3.

Miyerkoles, bandang alas-7:30 ng gabi nang makuhanan sa CCTV ang pagbagsak ni Sytin sa isang driveway ng hotel sa Subic. Doon na pala ito binaril sa likod at matapos tumumba ay saka nilapitan ng killer at dalawang beses pang binaril sa ulo. 

Sinubukan pang gumanti ng putok ang bodyguard ni Sytin na si Efren Fartiro pero binaril din ito ng gunman.

Nitong Biyernes ay inilabas na ng pulisya ang composite sketch ng gunman pero hirap pa rin silang matukoy ang itsura nito. 

Ayon kay Coronel, narekober na ang motorsiklo at isang magazine na ginamit ng gunman na kapwa isasailalim sa fingerprint at DNA examination.

Base sa paunang obserbasyon, halatang pinag-aralang mabuti ang pamamaslang dahil alam daw ng shooter ang pupuntahan ng biktima. Naniniwala rin silang maraming tao ang dawit kahit isang gunman lang ang nakitang pumatay sa negosyante. 

"In the CCTV, it's a lone gunman. But most definitely there are more persons involved in this shooting," hinala ni Coronel. 

Hindi naman lubos maisip ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairperson Wilma Eisma na may kaaway si Sytin. 

"Dominic is a very good man, a compassionate man. You will see it with the way he treats his people... Not just Subic, but the Philippines lost a good man," ani Eisma, na umaming malapit na kaibigan ng negosyante. 

Giit naman ng Eisma, isolated case ang nangyari at hindi sila nagkulang sa seguridad sa lugar.

"It is not fair to say that this is a breakdown of law and peace and order here in Subic. We continue to be very strict and we will be stricter now."

Samantala, kinumpirma ni Coronel na handa na ring magbigay ng P1 milyong pabuya ang pamilya ni Sytin para sa ikadadakip ng gunman.

Pinag-aaralan na rin ng pulisya ang iba pang kuha ng CCTV na maaaring nakunan ang mukha ng gunman.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.