4 patay, 3 sugatan sa salpukan ng mga sasakyan sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 05:32 PM

 Nagsalpukan ang isang sedan at armored car sa Narvacan, Ilocos Sur nitong Miyerkoles kung saan apat ang patay at tatlo ang sugatan. Kuha ng Narvacan Philippine National Police

Patay ang apat katao at tatlo ang sugatan sa salpukan ng isang sedan at armored car sa Barangay Bantay Abot, Narvacan, Ilocos Sur nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa limang sakay ng kotse, apat ang namatay kabilang ang driver na si Kenneth Molina at ang mga Grade 12 students na mga kasama nito.

Nakaligtas naman ang isa nilang kasama na si Benaflor Bosque.

Ayon kay Bosque, nagkayayaan silang kumain sa bayan ng Narvacan matapos gawin ang kanilang proyekto pero habang tinatahak ang daan pabalik sa bayan ng Santa ay nangyari ang insidente.

“Nakatulog ako sa sasakyan at paggising ko sinasaklolohan na ako at itinakbo sa ospital,” ani Bosque.

Lumabas sa imbestigasyon na tinatahak ng dalawang sasakyan ang magkabilang direksyon nang bigla na lamang umagaw ng linya ang armored car kaya nagkasalubong sila ng kotse.

“Kung titignan ang sira ng mga sasakyan masasabi natin na mabilis ang kanilang takbo lalo na ang armored car dahil hinila pa nito ang kotse sa higit 12 metro," ani Sr. Insp. Ramil Llarenas, deputy chief ng Narvacan Police.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang driver ng armored car na si Arnel Gonzalo at ang kasamahan nitong si Gregorio Rodil. 

Tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.