Water crisis ulit? Mga konsumer pinayuhang magtipid ng tubig ngayon pa lang

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 03:43 PM | Updated as of Nov 29 2019 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ngayon pa lang ay nagbabala na ang National Water Resources Board (NWRB) na magtipid sa konsumo ng tubig para hindi maulit ang water shortage na naranasan sa ilang bahagi ng Metro Manila at malapit na probinsiya nitong unang bahagi ng taon.

Maaalalang milyon-milyong taga-Luzon ang naperwisyo ng water shortage noong tag-init dahil sa mababang lebel ng Angat Dam, na pinagmumulan ng tubig ng mga water concessionaire. 

Ayon sa NWRB, dapat sa mga buwan na ito ay naabot na ng Angat dam ang antas na 200 meters.

Pero nitong Biyernes, nasa 188.6 meters lang ito.

"Sa ganitong panahon, 204 or 205 [meters] dapat ang level niya so mababa siya. Target natin kadalasan 212 [meters] bago ang end of the year," ani NWRB executive director Sevillo David.

Maaaring hindi rin daw gaanong makatulong ang paparating na bagyo dahil baka hindi naman babagsak ang tubig sa lugar ng Angat.

Pinapayuhan ni David ang mga residente sa Metro Manila na maging matipid sa paggamit ng tubig nang hanggang isang litro kada araw.

Ito ay para umano mapabagal ang pagbaba ng suplay ng tubig mula sa dam.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.