Kawatan 'nanggahasa muna bago magnakaw' sa bahay sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 03:05 PM

MAYNILA - Pinaghahanap ngayon ang isang lalaking nanloob umano sa isang bahay sa Parañaque City. 

Ayon sa imbestigasyon, pumarada ang suspek sa gilid ng bahay ng isang pamilya sa Barangay Don Bosco, Parañaque at sinira ang padlock nito. 

Unang pumasok sa kuwarto ng isang 21 anyos na lalaki ang suspek, at itinali umano ito sa kaniyang kama. 

Matapos nito, pumunta ang kawatan sa kuwarto ng babaeng kapatid ng 21 anyos at ginahasa umano ito. 

Pagkatapos, pumunta ang suspek sa master's bedroom at tinangay ang 3 laptop, cellphone, alahas, wallet, at camera. 

Nanakaw din sa mga biktima ang mga relo na nagkakahalaga ng halos P2 milyon. 

Pagkaalis ng suspek, agad na dumulog sa pulisya ang 2 biktima. 

Isinailalim sa forensic exam ang 19 anyos na hinalay umano ng kawatan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.