Kangkong daw? 4 timbog sa pagbebenta ng 'marijuana' sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 03:04 PM | Updated as of Nov 29 2019 04:25 PM

MAYNILA — Timbog nitong Biyernes ang apat na lalaki na nagbebenta umano ng marijuana sa Welcome Rotonda, Quezon City.

Sa buy-bust operation na ikinasa ng pulisya, nagpanggap ang mga pulis na bibili ng 1 kilong marijuana sa halagang P27,000. 

Pero nang mahuli, sinabi ng mga suspek na ginogoyo lang nila ang mga nagpanggap na pulis dahil kangkong naman umano ang kanilang ibinigay.

"Alam kong kangkong [ang laman kasi] kami nag-packaging niyan, ini-scam lang namin ang bebentahan namin," sabi ni alyas "Josh."

"Hindi marijuana 'yan, kangkong laman niyan, kahit buklatin nyo," dagdag ni Josh.

"Hindi marijuana 'yan. Kangkong 'yan para may pera lang ako panggatas ng anak ko," sabi naman ni alyas "Walter."

Isa sa mga nahuli ay criminology student pa, ayon sa pulisya.

Hindi muna binuksan ng pulisya ang nakabalot na umano'y marijuana dahil "masisira" daw ang ebidensiya. Susuriin ito ng kanilang crime laboratory.

Gayunpaman, kulong ang 4 sa Kamuning police station habang iniintay ang resulta ng pagsusuri sa umano'y marijuana.


— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.