Ilang guro sa 300 public school humirit ng umento

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 08:55 PM

Nag-sit-down protest at lumabas ng klase para manawagan ng mas mataas na suweldo ang ilang public school teacher mula sa higit 300 pampublikong paaralan nitong Huwebes. 

Bahagi ito ng pagkilos ng Alliance of Concerned Teachers na humihiling ng taas-sahod ng mga guro ng hanggang P31,000, depende sa posisyon. 

Ayon kay ACT party-list secretary-general Benjamin Valbuena, maituturing na wake-up call ang nasabing protesta lalo na at mas mababa umano sa poverty line ang kinikita ng mga guro. 

"Wala kaming option kung hindi ang mass concerted action," aniya. 

Pinaliwanag ng mga guro sa kanilang mga estudyante kung bakit nila isinasagawa ang protesta bago magmartsa palabas ng silid-aralan at magsilabasan ng mga placard para magprotesta. 

Ang iba naman, nanatiling nakaupo sa kanilang silid-aralan imbes magturo bilang pagprotesta. 

"Gusto nila gumawa kami ng milagro para itaas ang pagkatuto ng mga bata? Ang hirap noon eh kung ang estudyante mo ay napakarami at salat ka sa mga rekurso sa pagtuturo," sabi ng gurong si Bess Rivera. 

Hindi nagbigay ng reaksiyon ang Department of Education tungkol sa protesta ngunit iginiit ni Education Secretary Leonor Briones kahapon na inaasahan nilang magturo ang mga guro batay sa curriculum na ibinigay nila. 

“There are always opportunities to teach outside your curriculum… But once you are inside the classroom, you are expected to teach what the curriculum requires, otherwise you are cheating on your learners,” sabi ni Briones sa isang press conference kahapon. 

Babala ng ACT na posibleng umabot ang kanilang protesta sa pagliban ng mga guro sa kanilang klase. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.