ALAMIN: Parusa sa mga haharang sa 'Mabuhay lanes' ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 02:57 PM

Nagtataka ka ba kung bakit may mga "Mabuhay lane" sa ilang kalsada malapit sa EDSA? 

Paliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa "Usapang De Campanilla" nitong Miyerkoles, ginawa ang Mabuhay lanes upang magsilbing "bypass road" o alternatibong mga kalsadang maaaring baybayin ng motorista sa halip na dumaan sa EDSA. 

Mayroong 17 Mabuhay lanes sa Kamaynilaan, pero aminado si MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija na madalas magsikip ang mga ito kaya pinaparusahan nila ang mga mahuhuling mag-illegal parking sa lugar. 

"We're still continuing to clean it. Maintenance na lang. [Kasi] meron pa ring sumusuway sa patakaran... This is a really great alternate route," aniya. 

Una ay tinitiketan muna ang mga lalabag dito. Kapag nakita ng MMDA na sadya ang pagsuway ng motorista, dito na nila ito-tow ang sasakyan. 

May multang P200 sa illegal parking ang haharang sa Mabuhay lane, na kaakibat pa ng P150 sa di pagsunod sa traffic sign at P150 pa sa pagharang o "obstruction" sa naturang kalsada.

Ani Nebrija, tuloy-tuloy ang clearing operations ang MMDA sa mga bangketang nagsusulputan sa Mabuhay lanes, lalo na't paparating na ang Kapaskuhan kung saan inaasahan ang matinding trapiko sa Metro Manila. 

Nanawagan si Nebrija na sumunod ang mga motorista sa mga patakaran nila at agad magbayad ng mga multa para iwas-aberya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.