ALAMIN: 'Liquid ecstasy' na kilala rin bilang 'rape drug'

Kat Domingo, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 12:19 PM | Updated as of Nov 29 2017 12:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Panlinis ng dumi at pangtanggal ng kalawang ang ginagamit ngayon bilang "party drug" dahil sa epekto nitong nakakagana sa pagtatalik at nakakapagpaantok.

"Ang tawag din diyan ay rape drug dahil after mapatakan ka ng dalawa, magkakaron ka ng desire to have sex," sabi ni Undersecretary Aaron Aquino, director general ng Philippine Drug Enforcement Agency, sa isang panayam sa DZMM.

"Mapatakan ka ng dagdag pa, it will induce sleep. E kapag ganun mare-rape o maga-gang rape pa 'yung napatakan," dagdag ni Aquino.

Ayon kay Aquino, bagama't hindi pa masyadong sikat ang paggamit ng gamma butyrolactone (GBL) at gamma hydroxybutyrate (GHB) bilang party drugs sa Pilipinas, nahihirapan ang mga awtoridad na masabat ang mga kemikal sa bansa.

Hindi pa ito classified bilang dangerous drugs at ligal pa ang pagbebenta nito "dahil may mga industrial na gamit ito," paliwanag ni Aquino.

"Kahit na ang classification nito ay maging dangerous drugs ay mahirap pa rin ma-detect ito lalo kapag pinapasok sa airport o mga clubs kasi it's just like ordinary water," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaalalahanan ni Aquino ang mga mahilig pumunta sa mga club at party na bantayan ang kanilang mga inumin habang nasa matataong lugar.

"Nakakatakot 'yan kasi kapag ikaw ay magka-club, hindi ka naman puwedeng hindi mag-CR so maiiwan mo 'yung drinks mo o malilingat ka sa ibang lugar o may kakausap sa iyo tapos papatakan 'yung drinks mo," sabi niya.

Ayon kay Aquino, mino-monitor pa ng mga awtoridad ang pinanggagalingan ng supply ng mga nakakaadik na kemikal.

"Usually ini-import pa ito mula sa ibang bansa tulad ng China, Indonesia, at Thailand," sabi niya.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.