Mag-asawa patay matapos makakain ng shellfish sa Surigao del Sur

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 06:09 PM | Updated as of Nov 28 2019 06:51 PM

Kinain umano nang hilaw ng mag-asawa ang nakuhang shellfish na nagresulta sa kanilang pagkamatay. Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News


BAROBO, Surigao del Sur - Nagdadalamhati ngayon ang pamilyang Namoc sa Barangay Kinayan matapos mamatay ang mag-asawang Lucia at Leonito Namoc kamakailan. 

Lunes nang manguha ng shellfish si Leonito. Ayon sa kapatid ni Lucia na si Artemio, naobserbahan din niyang iba ang kulay ng dagat.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Barobo police, kinain nang hilaw ng mag-asawa ang shellfish o mas kilalang “telepono” sa lugar.

Dead on arrival sa ospital sa Barobo si Lucia habang nadala pa sa pagamutan sa Lianga si Leonito pero matapos ang ilang oras ay namatay din ito.

Ayon kay Dr. Michelle Belascuain, pagdating ng pasyente, nagreklamo na ito ng pananakit ng ulo at numbness.

“Based on the history, the same thing, they have eaten shellfish earlier. The third patient [was] complaining [of] difficulty in swallowing,” sabi ng doktor.

Nasa ospital din ang isa pang kapitbahay ng mga biktima na si Berlina Octobre, habang inilipat naman sa Tagum Hospital ang isa pang pasyente.

Nobyembre 26 nang maglabas ng bulletin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagbabawal sa pagkain ng shellfish dahil nagpositibo sa toxic microorganism ang Lianga Bay na maaaring dahilan ng paralytic shellfish poisoning.

Nag-abiso ngayon ang BFAR na habang hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test sa shellfish samples na kinain ng mga pasyente, iwasan munang kumain, magbenta at kumuha ng lahat ng klase ng shellfish kasama na din ang alamang o hipon mula sa Lianga Bay upang maiwasan ang posibleng pagkalason.

Kailangan ding alisin ang entrails o bituka sa mga isda at mga pusit kung kakainin. Hugasan muna nang maayos bago lutuin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.