Ginang patay sa sunog sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 05:18 AM | Updated as of Nov 28 2019 05:55 AM

CAVITE—Natagpuang wala nang buhay ang isang 59 anyos na babae sa loob ng kaniyang bahay matapos sumiklab ang sunog sa Bacoor City, Cavite Huwebes ng hatinggabi.

Ayon kay Bacoor City fire marshal Jude Sumeg-ang, hindi na nakalabas ng bahay ang biktima dahil bedridden ito o hindi na makagalaw.

Mag-isa rin ang ginang sa bahay dahil nasa trabaho ang mga kaanak nang mangyari ang sunog. Ang nag-aalaga naman sa kaniya ay iniiwan siya kapag nakatulog na. 

Base sa inisyal na imbestigasyon, sa kuwarto mismo ng biktima nagsimula ang apoy at posibleng faulty electrical wiring ang dahilan. 

Nasunog ang 3 bahay sa subdivision na umabot ng ikatlong alarma bago ito naapula.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.