3 sunog na bangkay, natagpuan sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 10:44 PM

Tatlong sunog na bangkay na mga pinaniniwalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang natagpuan ng militar sa Barangay Pusao sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao nitong Martes.

Ayon sa tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Wesmincom), araw ng Sabado nang simulan nila ang operasyon laban sa BIFF. Matapos ang ilang araw ay nadiskubre nila ang mga bangkay.

"They are all members of BIFF. Surgical operation kaya specific 'yung target," ani Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Wesmincom.

Itinanggi ng tagapagsalita ng BIFF-Bungos Faction na si Abu Missry Mama na mga miyembro nila ang tatlong bangkay na nakuha ng militar.

Wala din umano nalagas mula sa kanilang hanay sa operasyon laban sa kanila.

Bukod sa mga bangkay, nakuha din ng militar ang nasa 10 pampasabog, mga baril, at mga gamit sa paggawa ng bomba mula sa ilang barangay sa bayan.

Ayon sa militar, inilunsad ang sunud-sunod na operasyon laban sa BIFF para mapigilan ang terorismo sa rehiyon.

Ang BIFF ay responsable umano sa karamihan ng pag-atake sa Maguindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.