25 sa 26 samples na nakitaan ng polio nakuha sa Maynila: source

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 07:08 PM | Updated as of Nov 28 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit isang dekada nang nakatira si Nila Mendoza sa Baseco Compound sa Maynila pero kahit minsan ay hindi raw siya nagkaroon ng linya ng tubig.

Dahil dito, sumasalok si Mendez ng tubig mula sa balon pero limitado umano ang gamit niya rito.

"Panlaba, panghugas sa plato, pambuhos sa CR," ani Mendez.

Hindi dumaan sa treatment ang tubig na sinasalok ni Mendez, bagay na nakakabahala lalo at ayon sa Department of Health (DOH), dumami pa ang mga lugar sa bansa na nakitaan ng polio virus base sa mga sinuring water sample.

"Na-confirm 'yong suspicion natin na talagang sa sewerage system natin, may nakikita tayong polio virus," ani Health Undersecretary Eric Domingo.

Dalawampu't anim na water sample mula sa imburnal ang positibo sa type 1 at type 2 polio virus. Maliban sa isa, lahat ito ay nakuha sa Maynila.

Ilan sa mga lugar na nakunan ng water sample na positibo sa polio virus ay Tondo, Paco, Legarda, Santa Cruz, at Quiapo, ayon sa source ng ABS-CBN News.

Pero ayon kay Domingo, wala pa naman nakikitang bata sa Metro Manila na nagpapakita ng panghihinang karaniwang nararamdaman ng taong tinamaan ng polio.

Pinag-aaralan naman ng Manila Health Department-Division of Sanitation ang mga solusyon para maiwasan ang pagkalat pa ng polio virus sa lungsod.

Pero hindi raw ito agad-agad maisasagawa.

"Isa sa tinitingnan na puwedeng mai-design diyan ngayon ay ang pag-put up ng communal comfort rooms at paggawa ng isang communal septic tank to address the problem," ani Mitzie Salvador, chief ng Division of Sanitation.

"Siyempre may budgetary considerations," dagdag niya.

Tuloy naman ang pagbabakuna ng DOH sa mga batang may edad 5 taon pababa.

Setyembre nang inanunsiyo ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas, halos 2 dekada matapos ideklara ng World Health Organization na "polio-free" ang bansa. Mula noon ay may 8 nang kumpirmadong kaso, karamihan ay sa Mindanao.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.