'Universal Health Care' lusot na sa bicam; tapyas-budget sa DOH ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 07:17 PM | Updated as of Nov 28 2018 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lusot na ang panukalang Universal Health Care (UHC) sa bicameral conference committee ng Kongreso, at pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maisabatas ito. 

Sa ilalim ng UHC, lahat ng Pilipino ay magiging miyembro na ng PhilHealth at mababawasan na ang gastos nila pagdating sa pagpapagamot sa mga pampublikong ospital. 

Kailangan ng P257 bilyong pondo para sa UHC na huhugutin mula sa Department of Health (DOH), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), PhilHealth, at sa sin tax. 

Sa panayam ng DZMM sa may-akda ng panukalang si Senador JV Ejercito, sinabi niyang magkakaroon naman ng "special package" o incentive para sa mga nagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth kumpara sa mga magiging awtomatikong miyembro. 

Sa isang pahayag, ikinatuwa rin ni DOH Secretary Francisco Duque III ang aksiyon ng komite dahil mabibigyan na ng pagkakataon ang lahat ng Pilipino na makapagpagamot nang maayos at sa mababang halaga. 
    
Pero para sa independent consultant ng PhilHealth na si Dr. Tony Leachon, dapat masegurong may pagkukuhanan ng pondo ang UHC para sa maayos na implementasyon nito. 

"We dont want a landmark bill like the UHC na maging white elephant or hollow bill... It’s an urgent bill pero the timeline is up to the President to decide depending on the budget," ani Leachon.

Ikinababahala rin ni Ejercito ang panukalang alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) para sa DOH na tinapyasan ng P35 bilyon kontra sa kanilang rekomendasyon. 

"Funds for Health Facilities Enhancement Program is very important for the success of UHC implementation since the establishment of a service delivery network is essential," ani Ejercito.

Balak niyang iapela sa DBM ang naturang budget cut.

-Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.