11 timbog sa liquid ecstasy party sa hotel

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 11:58 AM

Arestado ang 11 lalaki matapos na mahuli sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Siyam sa mga ito ang nahuli sa aktong gumagamit ng droga tulad ng gamma butyrolactone o GBL, isang uri ng droga na binansagang liquid ecstasy o date rape.

“They use the dropper and put at least 2 drops of more sa inumin and then ma-high na yung gumagamit. For the syringe, maybe i-siphon nila yung liquid ecstasy and they will inject it to the vein para mas matindi yung tama,” sabi PDEA Special Enforcement Service Director, Levi Ortiz.

Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, target ng kanilang operasyon sina Edmond Remegio at Malik Coronel na sinasabing nagbebenta ng droga sa mga bar at club sa BGC.

Pero tumambad sa PDEA ang 9 pang individual, kabilang na ang isang physician, engineer, at ilang modelo na karamihan ay nakapangibabang suot lamang.

Dagdag ni Aquino, gumagamit ng droga ang mga suspek bago sabay-sabay na magtalik dahil epekto ng ilegal na gamot na makapagpataas ng libido.

Bukod sa isang litro ng GBL na nagkakahalaga ng higit sa P300,000, nakuha din sa kwarto ang 42-piraso ng ecstasy, ilang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Babala ng PDEA na mas paiigtingin nila ngayon ang operasyon sa droga sa mga high-class hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.