Reklamo ng OFWs puwede nang idulog sa libreng phone app

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 05:32 PM | Updated as of Nov 27 2019 05:42 PM

Anim na taon nang nagtatrabaho bilang household service worker sa Middle East si Myra Miguel.

Kinakaya raw niya ang bigat ng trabaho roon pero ang hindi niya matiis ay iyong hindi tamang pasahod at kakulangan ng benepisyo.

QUOTE

Patuloy ang programa ng gobyerno para maprotektahan ang mga overseas Filipino worker, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Kaya ngayong nauuso na ang mga smartphone, naglunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng libreng app na puwedeng gamitin ng mga OFW para ipaabot ang kanilang mga reklamo.

Tampok sa app ang wage calculator na makatutulong para mabantayan ng mga manggagawa ang halaga na dapat niyang sinasahod. Binibilang nito pati ang overtime at night shift hours, at mga day off at holiday.

Sa mga susunod na linggo pa magiging available ang app sa lahat ng smartphones. Sa ngayon, sa Android phones pa lang ito mai-install.

Para kay Rose Manaog, na may asawang nagtatrabaho bilang waiter sa Saudi Arabia, mas mapapalagay ang kaniyang loob dahil sa nasabing app.

Kumpleto raw kasi ito sa impormasyon gaya ng kung sino-sino ang mga opisyal na puwedeng lapitan ng kaniyang asawa kapag nagkaproblema sa ibang bansa.

Nangako naman ang grupo ng mga may-ari ng recruitment agencies na magsasagawa sila ng seminars para maturuan ang mga OFW kung paano gamitin ang app.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.