Ilang tent ng mga bakwit sa Cotabato, binaha matapos ang malakas na ulan

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 08:35 PM

Pinasok ng baha ang ilang tent sa evacuation center sa Barangay Old Bulatukan sa bayan ng Makilala sa Cotabato matapos ang malakas na ulan nitong Martes, Nobyembre 26, 2019. Dindin Cañete

MAKILALA, Cotabato - Nakaranas ulit ng kalbaryo ang mga bakwit sa Barangay Old Bulatukan sa bayan na ito Martes matapos pasukin ng tubig-baha ang kanilang mga tent.

Ito'y matapos bumuhos ang malakas na ulan sa barangay kung saan ang nag-evacuate ang mga pamilyang apektado ng sunod-sunod na lindol sa Barangay Cabilao nitong Oktubre.

Nabasa ng baha ang mga gamit at pagkain ng ilang mga bakwit. Nag-iwan din ng makapal na putik ang malakas na ulan na nagpadagdag sa hirap ng mga apektadong pamilya.

Ipinatong na lang ng mga bakwit ang kanilang mga gamit sa mesa upang hindi na mabasa kung sakaling lalakas muli ang ulan.

"Ang sitwasyon namin ngayon ang sakit. Ang hirap pero tatanggapin namin," ani Jessica Rotaquio, isa sa mga bakwit.

Hindi na makakauwi ang mga apektado sa kanilang lugar dahil sa mga landslide na nangyari sa kanilang dating tirahan.

Ayon sa barangay chairman na si Analyn Villas, bukod sa malakas na ulan ay problema din ng mga bakwit ang mainit na sitwasyon sa loob ng tent, pero wala na silang paglilipatan na evacuation center. 

Ligtas na din naman sila dito, aniya.

"Okay na rin sanitation namin," ani Villas.

May target nang lugar ang barangay para sa kanilang relocation site pero ipasusuri pa nila ito sa Mines and Geosciences Bureau sa probinsiya kung ligtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.