Minaltratong tuta sa Cebu ginagamot na

Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 03:36 PM

Saving Strays Cebu

CEBU CITY - Patuloy na ginagamot ang isang 4 na buwang gulang na tuta na malubhang nasugatan matapos na maltratuhin ng pamangkin ng kaniyang amo dito sa siyudad.

Nasagip ng grupong Saving Strays Cebu noong Sabado ang tutang si Bati Og Nawong, na kanilang binigyan ng palayaw na "Gwapo."

Ayon a post ng grupo sa Facebook page nito, hinihinalang sinaksak ng screwdriver ang tuta sa ulo na tumagos sa leeg nito.

Nailipat na rin nila sa ibang clinic ang tuta para magamot ang pamamaga at impeksyon sa utak.

Biyernes nang mag-post sa Facebook si Medy Deiparine, ang may-ari ng tuta, tungkol sa sinapit ng alaga. Natagpuan niyang duguan, umiiyak at nanghihina ang tuta dahil sa sugat na tinamo sa ulo.

Hindi agad nalapatan ng paunang lunas ang tuta dahil sa kawalan ng pera ng pamilya para sa pagpapagamot sa alaga.

Nitong Lunes, humingi naman ng tawad ang pamangkin ni Deiparine na siyang suspek sa pangmamaltrato sa tuta.

Sabi ng 25 anyos na lalaki, lasing siya nang magawa iyon sa tuta.

Hindi pa makapagdesisyon si Deiparine kung patatawarin ang pamangkin.

Umaapela rin ang kaniyang pamangkin sa mga grupong sumusuporta sa tuta na huwag nang magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Samantala, patuloy na kumakatok ang grupo sa mga taong nais na tumulong sa pagpapagamot kay Gwapo. Sa mga nais na mag-ambag ng tulong, maaring makipag-ugnayan sa Saving Strays Cebu sa kanilang Facebook Page.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.