Gastusin sa Pasko, paano dapat paghandaan?

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 04:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Panahon ang Pasko ng mga handaan, kabilang na ang paggastos para sa Noche Buena at pagreregalo sa mga kaanak at kaibigan. 

Paano nga ba dapat pinaghahandaan ang mga gastusin sa Pasko? 

Ayon sa financial expert na si Rienzie Biolena, dapat maaga pa lamang ay magtabi na ng kahit P500 o P1000 kada buwan, sa halip na kumuha ng malaking parte nito sa isang buwanang sahod. 

Paliwanag niya, taunang pinaghahandaaan ang ipinangreregalo sa Pasko kaya mainam na paghandaan ito sa simula pa lamang ng taon. 

"Kung every year naman ganoon ang habit, maigi na one year before pa lang, magtabi ka na... Enero pa lang, mas mabigat kung ibabangga mo siya sa isang buwang sahod," ani Biolena sa "Sakto" nitong Martes. 

Sa kaniyang pagtantiya, aabot sa P12,000 ang maitatabi ng magulang kung magtitipid ng P1000 kada buwan para sa mga ireregalo. 

Iminumungkahi rin ni Biolena ang pagkakaroon na ng listahan ng reregaluhan para matantiya ang budget para sa ibibigay na regalo sa Pasko. 

Mainam din umanong kunin sa 13th month pay ang ipangbabayad sa regalo, pero dapat rin itong i-budget nang maigi dahil maaari pa ring gamitin ang 13th month pay sa ilan pang obligasiyon tulad ng pagpapaaral ng anak. 

Payo rin ng eksperto na bawasan ang gastos sa mga bisyo gaya ng pagbibili ng sigarilyo at alak para may panggastos sa Noche Buena. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.