Binatilyo sugatan sa pagsabog ng granada sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 01:12 AM

PIKIT, North Cotabato—Sugatan ang isang 16-anyos na binatilyo sa pagsabog ng granada sa Barangay Poblacion sa bayang ito Linggo ng gabi.

Nakatambay ang biktima sa labas ng tindahan nang dumaan ang dalawang lalaking sakay sa motorsiklo at inihulog ang granada sa gilid ng daan.

Kuwento ng may-ari ng tindahan, nagulat na lamang sila nang makarinig ng malakas na putok.

Ito na ang ikalawang insidente ng pagsabog ng granada sa bayan ng Pikit.

Ayon sa pulisya, magkaparehong uri ng granada ang ginamit sa magkahiwalay na pagsabog.

"Pati 'yung built ng dalawang lalaki tugma and naka-jacket na may hood kaya possibly same lang ito . . . Nakikita namin pananakot kasi hindi naman talaga meant na makapatay," ani Police Chief Inspector Theng Bacal, hepe ng Pikit Police.

Patuloy ang ginagawang checkpoint at pagpapatrolya sa lugar para maiwasan na masundan ang pagpapasabog.

Inaalam na rin kung sino ang mga taong nasa likod ng insidente.

Samantala, sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, na-disrupt ng awtoridad ang isang improvised explosive device na natagpuan sa gilid ng kalsada sa Barangay Tanuel Sabado ng gabi.

Gawa sa 81 millimeter mortar ang pampasabog at inilagay sa loob ng isang jetmatic pump.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa paglalagay ng bomba sa lugar, pero kumbinsido ang militar na kagagawan ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Itinanggi naman ito ng BIFF.

Ito na ang ika-apat na insidente ng pagkakatagpo ng IED sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, at higit 100 IED na ang narekober at sumabog sa lugar na sakop ng 6th Infantry Division.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.