3 patay sa pamamaril sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 01:12 AM | Updated as of Nov 27 2018 03:44 PM

Tatlo ang patay matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang bahay sa Barangay Catmon, Malabon City noong gabi ng Lunes.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi bilang sina Eduardo Esternon, Marcos De Leon, at William Mortar.

Sa ulat ng pulisya, pinasok ng apat na armadong lalaki ang bahay ni Esteron saka pinagbabaril ang mga biktima, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng kanilang mga katawan.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang halos 20 basyo ng bala ng baril.

Inaalam ngayon ng Malabon police kung may kinalaman ang pagpatay sa tatlo sa pamamaslang noong nakaraang linggo kay Rodrigo Tambo, isang barangay kagawad sa parehong barangay.

Noong Martes ng nakaraang linggo, limang armadong lalaki umano ang nagpunta sa tambayan ni Tambo para barilin siya.

Ayon kay Senior Superintendent Jessie Tamayo, hepe ng Malabon police, sa parehong kalye nangyari ang mga pamamaril at pawang mga miyembro ng grupong Arya Progresibo Organization ang mga biktima.

Isang samahan ng mga residente ng Malabon ang Arya Progresibo Organization na layong tugunan ang mga hinaing ng mga kapwa residente, sabi ni Bong Padua, public information officer ng lungsod.

Naglabas na rin ng pabuya ang pamahalaang lokal na P200,000 para sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga salarin sa pagpatay kay Tambo, na political officer ni Malabon Mayor Antolin Oreta III.

-- Ulat nina Michael Delizo at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.