Mga tindahan ng auto parts sa Valenzuela, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 04:25 AM

MAYNILA—Nasunog ang 5 magkakatabing tindahan ng auto parts sa Barangay Marulas, Valenzuela City nitong Lunes.

Nagsimula ang apoy pasado alas-4 ng hapon at naapula ng mga bombero matapos ang 6 na oras, ayon kay Fire Capt. Nelson Dulin ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Valenzuela City.

Gumamit aniya sila ng chemical flame-retardants dahil storage area ng langis ang nasunog at pahirapan sa pag-apula ng apoy. 

Tinutukoy pa kung saang partikular na establisimyento nagsimula ang sunog, maging ang sanhi nito.

Ligtas namang nakalabas ang mga empleyado sa kasagsagan ng sunog. Inaalam pa ang halaga ng pinsalang dulot ng insidente.

Paalala ni Dulin sa mga may-ari ng tindahan, maghanda lagi ng fire extinguisher at agad tumawag ng bombero kapag may sunog upang maagapan ito.—Ulat nina Lyza Aquino at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.