4 Chinese timbog sa paggamit ng mga pekeng pasaporte

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 02:52 PM

MAYNILA - Arestado ang 4 na Chinese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos magtangkang pumasok sa bansa gamit ang mga pekeng Paraguay passports.

Naharang sina Chen Zhijian, Wang Wenjie, Wang Anding, at Wang Mingdi noong Nobyembre 18 sa NAIA Terminal 3. Dumating sila sa bansa sakay ng isang Emirates Airways flight mula Dubai, ayon sa Bureau of Immigration.

Agad silang ipinaabot sa BI Travel Control and Enforcement Unit para sa secondary inspection, at nang sumailalim sa interview, hindi makapagsalita ang 4 ng basic Spanish, ang lengguwahe sa Paraguay.

Sinuri ng Forensic Documents Laboratory ng BI ang mga pasaporte nila na napatunayang peke. 

Bukod dito, wala ring maipakitang ID ang mga banyaga na magpapatunay na citizen sila ng Paraguay.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.