Pagdami ng mga manggagawang Chinese sa bansa, iimbestigahan sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 06:41 PM

MAYNILA — Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa pagdami ng mga Chinese na nagtatrabaho sa bansa, sabi ngayong Linggo ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III.

Sa panayam ng ANC kay Pimentel, sinabi niyang hangad nilang malaman sa pagdinig, na idaraos sa Lunes, kung bakit dumadami ang bilang ng mga manggagawang Chinese sa bansa.

"We need to find out why there is a sudden increase or influx of Chinese nationals working here in the Philippines," sabi ni Pimentel.

Binanggit ni Pimental ang patakarang maaari lamang bigyan ang mga banyagang manggagawa ng work permit para sa mga trabahong hindi kayang gampanan ng mga Pilipino.

"Our general rule is that foreigners should not be allowed to seek employment in the Philippines unless the nature of the job cannot be performed or fulfilled by a Filipino national," aniya.

"We need to find out what kind of work are they doing. If the nature of this work is so difficult, special, technical, that no Filipino can perform it," dagdag ng senador.

Ayon kay Pimentel, hindi dapat maapektuhan ng imbestigasyon ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Handa rin daw silang imbestigahan ang iba pang banyaga kapag napag-alamang nagtatrabaho sila sa bansa at ang kanilang mga trabaho ay kaya namang gampanan ng mga Pinoy.

"This is not about Philippine-Chinese relations, this is about Philippine labor laws," ani Pimentel.

"Should we find out that, let us say, there are Indian nationals also performing work here which can be performed by Filipinos, then the investigation is also applicable to the same situation."

Sa isang pahayag noong Biyernes, inihayag ni Sen. Joel Villanueva ang pagkabahala sa paglobo ng mga ilegal na manggagawang Chinese sa bansa, na aniya'y nang-aagaw sa mga Pinoy ng mga oportunidad sa trabaho.

Binitawan ni Villanueva, ang chairman ng Senate labor committee, ang mga pahayag matapos mahuli noong Huwebes ang nasa 93 Chinese dahil sa pagpapatakbo umano ng ilegal na online gambling o sugal sa Pasig City. 

"We strongly believe there is a dire need to strengthen legislation and enforcement to stop illegal online gambling and proliferation of illegal Chinese workers that shamelessly robbed our own people jobs," ani Villanueva sa pahayag.

May ilang Pinoy ring dumulog kamakailan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration para ireklamo ang mga insidente ng mga Chinese na umano ay ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Noong Setyembre, sa pagdinig ng Senado sa pondo ng DOLE, pinuna ni Senador Franklin Drilon ang pagdagsa ng mga manggagawang Chinese sa bansa dahil sa pangambang naaagawan ng mga ito ng trabaho ang mga Pinoy. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.