'Build Build Build' tinutulan; 300,000 pamilya 'mawawalan ng tirahan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2018 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinutulan ng ilang grupo ang programang "Build, Build, Build" ng administrasyong Duterte sa pangambang daang libong pamilya umano ang mawawalan ng tirahan dahil matatamaan ng mga proyekto.

Aabot umano sa 300,000 pamilya sa National Capital Region ang mawawalan ng bahay dahil sa mga itinatayong impraestruktura sa ilalim ng programa, gaya ng extension ng North Luzon Expressway (NLEX).

"Karapatan namin 'yon na manatili sa bahay namin dahil iyon, ipinundar ng ninuno ng mga tao diyan," sabi sa ABS-CBN News ni Emil Pineda, kinatawan ng Sampaloc People's Alliance, sa isang forum ngayong Linggo.

Hindi rin lang daw iyong mga taong nagtayo ng bahay sa lupang ari ng iba ang tatamaan ng mga proyekto kundi pati mga lehitimong residente.

Isa sa mga tumututol si Malou Turalde, dating undersecretary sa Department of Social Welfare and Development.

Isa ang pamilya ng lolang si Lucila Cresines sa mga posibleng mawalan ng tirahan dahil sa ginagawang NLEX extension.

Kuwento ni Cresines, binisita ang kanilang pamilya ng mga kinatawan ng National Housing Authority at sinabing ang buong bahay nila sa Sampaloc, Maynila ay tatamaan ng proyekto.

Umaasa naman si Cresines na sasabihan sila ng gobyerno kung ano ang magiging plano nito sa kanilang mga mawawalan umano ng tahanan.

Wala pang sagot ang Department of Public Works and Highways sa mga isyung ibinabato ng grupo. --Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.