Kostumer, nagpadala ng P5-k sa maling numero; inabot ng 5 buwan bago maibalik

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinaing ng isang kostumer ang matagal na pagbalik sa kaniyang pera na naipadala sa maling numero sa pamamagitan ng electronic money transfer. 

Nagpadala si Sally Vale ng pera gamit ang electronic transfer noong nasa Bicol siya pero napagpalit niya ang dalawang numero ng account na kaniyang padadalhan.

Nadiskubre niya ito kinabukasan at tinawagan niya ang numerong napadalhan.

Napag-alaman namang hindi na active ang account sa SMART Money ng napadalhan kaya hindi rin makukubra ang P5,000 ipinadala. 

“Nag-email na kami sa SMART kung paano iyong gagawin doon kasi nga inactive. Hindi naman niya makukuha. Hindi rin niya maibabalik sa amin,” ani Vale. 

Umabot naman ng limang buwan ang paghihintay nila na maibalik ang pera. 

Paliwanag ng PayMaya Philippines at Voyager Innovations na may hawak ng SMART Money, sa Bicol kasi ipinadala ang pera kaya doon pa inayos ang problema. 

Naibalik naman ang pera ni Vale nitong Miyerkoles.

Tinitingnan na naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang reklamo ni Vale na masyadong matagal ang aksiyon sa problema.

Muli ring pinaalalahanan ng BSP ang mga magpapadala ng pera ngayong holiday season na i-triple check muna ang mga number na pipindutin para hindi maperhuwisyo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.