ALAMIN: Mga opisyal na awtorisadong magkasal

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 04:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakasalang ngayon sa Kamara ang House Bill 5699, isang panukalang batas na layong bigyang-kapangyarihan ang mga kongresista at mga gobernador na magkasal sa kanilang mga saklaw na lalawigan. 

 Ayon sa bill, dumadami na ang bilang ng mga magkasintahang nasa "live-in" status na taliwas sa sagradong layunin ng kasal.

Pero ayon kay Atty. Claire Castro sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM nitong Biyernes, dapat munang malinaw ang layunin nito, dahil sa ngayon ay may mga kuwestiyon din ukol sa kapangyarihan ng mga alkalde na magkasal.

"Ano 'yung purpose... Kung talagang gusto niyong magkaroon ng obligasyon [na magkasal], gampanan ninyo," ani Castro.

Giit niya, sapat na ang bilang ng mga awtorisadong magkasal ayon sa batas.

Sabi ni Castro, sinasabi sa Family Code of the Philippines na maaaring magkasal ang mga sumusunod: 

  • Mga miyembre ng hudikatura, halimbawa ang mahistrado ng Korte Suprema, Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at lower courts tulad ng Municipal o Regional Trial Court
  • Mga pari, rabbi, imam o kahit sino mang ministro ng religious group na rehistrado sa Philippine Statistics Authority
  • Maaari ring magkasal ang mga commander sa warzone tuwing digmaan, piloto sa eroplano, at kapitan ng barko sa kondisyong articulo mortis o kung nasa bingit na ng kamatayan ang isa o parehong partido
     
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.