3 kargador nagreklamo sa mga kaltas na 'di mapakinabangan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2018 06:27 PM | Updated as of Jan 05 2020 03:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong kargador sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang nagreklamo sa kanilang ahensiya matapos walang mahitang benepisyo sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund sa kabila ng ilang taong pagkakaltas nito mula sa kanilang sahod.

Reklamo nila, kahit may kaltas ang suweldo, hindi raw inihulog ng Excellent Workers Multi-Purpose Cooperative (EWMPC) ang kontribusyon sa mga nasabing ahensiya ng gobyerno.

"Maglo-loan kasi sana ako. Papunta ako ng SSS, sabi 'di daw ako qualified... Nagtatrabaho naman kami nang maayos, bakit ganyan ginagawa sa'min?" ani Chester Escandelor.

Trabaho umano nila ang magbuhat ng mga bagahe ng pasahero paakyat sa eroplano.

Si Jonathan Foscablo na walong taon nang nagtatrabaho sa kooperatiba, nadismaya nang walang nakuhang benepisyo sa PhilHealth.

"Nanganak po 'yung asawa ko nung August. 'Di po nagamit PhilHealth ko," hinaing niya.

Nag-file ng complaint ang tatlo sa SSS at PhilHealth ilang buwan na ang nakalilipas pero wala pa rin daw update. Dito na sila naglakas-loob isiwalat sa publiko ang umano'y anomalya sa kanilang mga kaltas.

Tanong ng mga manggagawa sa kanilang ahensiya: Saan napupunta ang pera na kinakaltas at hindi naihuhulog?

Sa pahayag ng bagong general manager ng EWMPC na hindi pinangalanan, sinabi niyang "walang-wala" ang kompanya nang siya'y mag-takeover noong Agosto dahil sa hindi nakolektang bayad sa dati nilang account.

"When I took over EWMPC, it was broke and can hardly pay the salaries of the deployed members, what more for the remittances to government. This is due to uncollected revenues from one account," aniya.

May plano na raw siya para maiayos ang sitwasyon pero di raw niya masagot kung saan napunta ang ikinaltas sa suweldo dahil tuloy pa rin ang kanilang audit.

Nag-isyu na ng demand letter ang SSS sa EWMPC at kapag 'di sila sumagot sa loob ng 10 araw ay kakasuhan sila sa korte.

Ayon naman sa Pag-IBIG Fund, may mga trabahador ang EWMPC na nabayaran at updated ang kontribusyon. Pero ang iba, kulang pa rin ang inihulog ng kompanya.

Ang PhilHealth naman, 2013 pa lang ay may final demand letter na sa cooperative dahil sa problema sa hulog. Nitong nakalipas na tatlong taon, kulang pa rin ang hulog ng ahensiya sa PhilHealth.

Aantabayanan ng Tapat Na Po ang magiging usad ng reklamo.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.