TINGNAN: Shabu isinilid sa stuffed toy bag

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 10:02 AM | Updated as of Nov 23 2019 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Natagpuan ng pulisya sa loob ng isang monkey stuffed toy bag ang tinatayang 40 gramo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay 148, Pasay City, Sabado ng madaling-araw.

Huli sa kaniyang bahay ang 52-anyos na target na si alyas Bien at ang kinakasama nitong si alyas Jocelyn, 26.

Ayon kay Police Capt. Deni Pedrozo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, ilang beses nang naaresto dati si Bien dahil sa pag-iingat ng droga.

Nagsagawa ng dalawang linggong surveillance sa kaniya ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon na nagtutulak umano siya ng droga sa Baclaran area.

Nahirapan pa ang pulis na matuloy ang transaksyon dahil ayaw makipagkita ng suspek sa hindi niya kakilala.

Nahuli naman umanong gumagamit ng shabu si Jocelyn.

Dagdag ni Pedrozo, nadiskubre ang laman ng monkey bag na nasa bahay nang ituro umano ito ni Bien. Pero tumanggi ang suspek na kumpirmahin kung kaniya ito.
 
Tinatayang P275,400 ang halaga ng nakumpiskang droga mula sa kanila. May nakuha ring gamit na may kinalaman sa droga.

“Nakakabigla rin kasi 'yang ganiyan, hindi siya normal sa ibang pusher dito sa Pasay. Kasi ang kadalasang hawak ng pusher up to 25 grams, pero siya more than 25 grams ang hawak niya. Ibig sabihin, medyo matagal na siya sa kalakaran and mas mataas ang amo niya," sabi ni Pedrozo.

Pero giit ng mga suspek, gumagamit lang sila pero hindi nagtutulak.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.