SOCO: 14 anyos natagpuang nakabigti sa puno sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 03:24 PM

 

MAYNILA — Nakagapos ang mga kamay at paa at nakabigti sa puno nang matagpuan ang 14 anyos na si alyas "Marivic" sa bayan ng Amulung, Cagayan noong Oktubre 14.

Sa resulta ng postmortem examination, asphyxia by strangulation o pagsakal hanggang sa malagutan ng hininga ang ikinamatay ng dalagita.

Sa naturang pagsusuri, nakitaan din ng mga palatandaan na hinalay ang biktima bago pinaslang. Ito ang nakikitang motibo ng mga pulis sa krimen.

"Sa unang tingin ko po, talagang ginahasa bago pinatay. Walang saplot pang-ibaba," paliwanag ng chief investigator na si Police Master Sgt. Reynald Capili.

Ayon sa ama ng biktima, pasado alas-7 ng gabi noong Oktubre 13 nang magpaalam daw si Marivic para makinood ng telebisyon sa kapitbahay.

"Nakikinood lang po siya kasi wala kaming TV. Sa kapitbahay namin doon siya nanonood. 'Yung mga pelikula na cartoons ang pinapanood," kuwento ng amang si alyas "Jun."

Abot-langit naman ang pagdadalamhati ng pamilya ng biktima sa karumal-dumal na sinapit nito.

"Matulungin, masipag po na bata. Maalaga [sa] kapatid niya... Mahirap. Hindi [ko] matanggap. Parang aso na nakatali sa likod," ani Jun.

Hindi naman makapaniwala ang mga awtoridad sa nangyaring insidente. Sa tingin nila, tagaroon lang din sa lugar ang salarin.

"Nabigla kami dahil hindi namin inaasahan na mayroong krimen na magaganap sa barangay na 'yan. Dito po sa Amulung, Cagayan, isa naman sa pinaka-peaceful na bayan ng Cagayan," ani Police Capt. Albert Florentino.

Sumama sa paghahanap ng hustisya para sa biktimang walang kalaban-laban sa ika-14 na taong pagtatanghal ng “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, Nobyembre 23, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook at Twitter (@SOCOtv) para sa karagdagang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.