Lalaking nag-vape sa Lucena, hinuli pero pinakawalan din dahil walang kasong maisampa

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2019 12:18 AM

LUCENA CITY, Quezon—Isang lalaking nagve-vape sa pampublikong lugar ang inaresto ng pulisya sa Lucena City, Quezon Huwebes ng gabi, pero pinakawalan din dahil wala naman kasong maisampa laban sa kanya.

Natiyempuhan ng mga nagrorondang pulis ang lalaki na nakaupo sa labas ng isang convenience store sa Quezon Avenue sa Brgy. 1.

Kinumpiska ang vape at dinala sa himpilan ng pulisya ang lalaki at ginawan ng police blotter ang pangyayari.

Pero agad naman siyang pinakawalan ng pulisya dahil sa kakulangan ng kaso dahil walang batas na nagbabawal sa vaping.

Ang pagkakaaresto sa lalaki ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga gumagamit ng vape sa pampublikong mga lugar dahil nakasasama umano ito sa kalusugan.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang panig ng lalaki pero wala pa siyang sagot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.