Pulis at mag-ama, arestado dahil sa mga sangkap ng pampasabog

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 11:05 PM

TAGUM CITY - Arestado ang mag-ama at isang pulis sa buybust operation ng Special Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod na ito Huwebes ng gabi.

Nabilhan ng mga sangkap ng pampasabog ang mag-amang taga Nabunturan, Compostela Valley.

Sa patuloy na imbestigasiyon, ibinunyag ng mag-ama na ang may ari ng mga pampasabog ay isang pulis na nakilalang si PO2 Glenn Magalso na nakadestino sa Davao Del Norte Provincial Police Office.

"Two months ago we received vital information regarding an illegal proliferation of explosive devices in Compostela Valley so we conducted our own vestigation and we actually pinpointed and identified some of the major players of ilegal distribution of explosives" sabi ni Gerald Geralde, Head Agent ng STF NBI Manila.

Nakumpiska ng NBI agents ang 15 sako ng ammonium nitrate fuel oil, 1,086 metro ng safety fuse, 1,500 na blasting cups na nagkakahalaga lahat ng P270,000.

Nakumpiska rin ng NBI ang service firearm ng pulis, 9-millimeter pistol at mga bala.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Magalso.

Inaalam pa ng mga pulis kung saan kumukuha ng ganito karaming supply si Magalso.

"Primarily itong mga naconfiscate natin ginagamit sa ilegal mining operations sa Mt. Diwalwal Compostela Valley pero we have also received reports that explosive components are being bought by some terrorist organizations," ani Geralde.

Haharap sa kasong paglabag sa RA 9516 o illegal possession of explosives ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.