ALAMIN: Pananagutan ng TNVS, TNC sa oras ng disgrasya sa biyahe

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2018 06:31 PM | Updated as of Nov 23 2018 11:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa oras ng di inaasahang disgrasya habang nasa biyahe sakay ng isang Transport Network Vehicle Service (TNVS), alam niyo ba kung sino ang responsable at maaaring habulin para hingan ng ayuda?

Ayon sa batas, ang operator o TNVS, at hindi ang kompanya o Transport Network Company (TNCs) tulad ng Grab, Go Lag, at U-HOP, ang mananagot sakaling magkaroon ng aksidente. 

Hindi pa kasi nasusunod ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang department order noong Hunyo ng Department of Transportation (DOTr) na ipasa ang Certificate of Public Convenience (CPC) sa mga TNC.

Sa kasalukuyan, "accreditation" lamang ang hawak ng TNC at nasa TNVS ang CPC.

 

Naungkat ito matapos mag-viral sa social media ang masaklap na sinapit ng estudyanteng si Marko de Guzman nang mabangga ang sinasakyan niyang Grab noong isang buwan.

Nasa ICU ngayon ang pa-graduate na sanang mechanical engineering student at matindi ang pinsalang tinamo nito sa utak.

Umapela ang pamilya ng biktima sa Grab pero ayon sa Facebook post ay P200,000 lamang ang maiaabot ng kompanya. 

"To all Grab drivers and riders, alam niyo bang kung madisgrasya kayo on a Grab ride at kailangan niyo magpagamot sa ospital, P200k lang ang maximum budget nila to help you dahil under their policy, hindi sila liable sa anumang mangyari sa inyo during a ride," ayon sa post. 

Sa isang statement nitong Biyernes, matapos mag-viral ang post, sinabi ng Grab na handa naman silang tumulong.

Pero ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, wala talagang pananagutan ang Grab kung pagbabasehan ang batas. 

"Ang liable po ay ang TNVS, dahil sila ang binigyan ng CPC. They are common carrier and if you are common carrier under the civil code, you must exercise extraordinary diligence to your passengers," paliwanag ng board member. 

Ani Lizada, "wake up call" ito di lamang sa LTFRB kundi pati na rin sa mga TNC at TNVS.

Kasalukuyan na umanong nirerebisa ng LTFRB at Insurance Commission ang puwedeng ma-claim ng isang pasaherong masasangkot sa aksidente.

Ang P200,000 na death claim, planong itaas na sa P400,000.

Ang medical claims, mula P20,000 ay balak itaas na sa P100,000.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.