Nasa 3 milyong naging pasahero ng Grab makatatanggap ng tig-P1.50 refund

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ibabalik ng Grab Philippines sa kanilang mga pasahero ang nasa higit P5 milyon na bahagi ng kanilang bayad-multa sa Philippine Competition Commission (PCC) dahil sa umano'y mataas na singil sa pasahe. 

Kamakailan kasi, pinagbabayad ng P23.45 milyon ang Grab dahil mas mataas ang siningil na pasahe nito kaysa sa itinakda ng PCC. Ang higit P5 milyon sa multa, kailangan daw ibalik sa mga pasahero. 

Sa pagtataya, makatatanggap ng refund ang nasa 3 milyong naging pasahero ng Grab mula Pebrero hanggang Mayo 2019. 

Nasa P1.50 ang tinatayang matatanggap ng bawat apektadong pasahero.

Maaaring mas malaki ang maibalik sa mga mas madalas na nag-book, ayon sa Grab. 

Paliwanag ng Grab, lumagpas man sila sa itinakda ng PCC na pamasahe, nakasunod pa rin sila sa itinakdang fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). 

"Walang overcharging na nangyari. We disclose to the customer how we charge. We have been compliant all throughout," paliwanag ni Brian Cu, presidente ng Grab Philippines.

Ibabalik ng Grab ang refund sa pamamagitan ng kanilang Grab Pay wallet.

Hindi pa naitatakda ang araw ng refund, pero mangyayari raw ito bago ang Marso ng susunod na taon.
    
Siniguro naman ng Grab na hindi maaapektuhan ang mga rider nila dahil sa multa.

Pinag-aaralan na rin ng Grab kung hihiling sila ng taas-pasahe sa susunod na taon dahil sa nakaambang buwis sa produktong petrolyo.
    
—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.