Nasa 100 bahay natupok sa Makati; 200 pamilya nawalan ng tirahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 06:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Aabot sa 200 pamilya ang nawalan ng bahay sa sumiklab na sunog sa Makati City nitong Biyernes ng hapon. 

Pansamantala munang magpapalipas ng gabi sa lansangan ang mga residente sa Zanzibar Street, Barangay San Isidro matapos maabo ang kanilang mga bahay. 

Ayon sa mga awtoridad, aabot sa 100 bahay ang natupok kung saan naninirahan ang nasa 200 pamilya. 

Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng pinsala ng apoy.

Nanghihingi naman ng ayuda ang mga nasunugan dahil wala umano silang naisalba.

"Tulungan niyo po kami kasi wala po kaming nasalba kahit isa, ni panty, wala. Wala as in lahat," pagmamakaawa ni Jay-Ann Jocson, isa sa mga nabiktima. 

Mahigpit naman ang paalala ng mga fire official na huwag nang tangkaing pumasok sa nasunog na bahay o gusali dahil sa peligrong kaakibat nito. 

"Mahihirapan na tayo sa pagbalik natin ulit sa loob ng bahay dahil baka ma-trap po tayo," sabi ni Fire Supt. Roy Quisto, Makati City fire marshal. 

Inaalam na ng mga awtoridad kung saan nagmula ang apoy.

Ayon naman sa mga residente doon, wala silang kuryente tuwing hapon at jumper lang ang kanilang ginagamit sa gabi. 

Walang naiulat na namatay o malubhang nasugatan sa sunog.

--Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.