Buntis, anak na 8 anyos, nailigtas nang maanod sa ilog sa Bacolod City

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 02:49 AM | Updated as of Nov 22 2019 05:11 AM

BACOLOD CITY - Nailigtas ang isang 29 anyos na buntis kasama ang tatlo pa niyang kaanak matapos maanod sa ilog sa Bacolod City Huwebes ng hapon.

Naliligo umano ang dalawang anak ng pitong buwang buntis na si Melany Nubiagon kasama ng kanilang 22 anyos na tiyahin at isa pang kamag-anak sa ilog na malapit sa kanilang bahay sa Barangay Mansilingan.

Nang bumuhos ang ulan, agad na sinundo ni Nubiagon ang kaniyang 6 anyos at 8 anyos na mga anak.

Kuwento ng mga nakaligtas sa mga rumespondeng rescuer, naiahon at nadala ni Nubiagon ang 6 anyos niyang anak sa gilid ng sapa at akma niyang kukunin naman sana ang isa pang anak na babae nang bigla silang tinangay ng rumagasang tubig.

Dinala ng agos si Nubiagon kasama ang anak at dalawa pang kamag-anak nang ilang kilometro ang layo mula Barangay Mansilingan patungo sa ilog na sakop ng Barangay Alijis kung saan sila sinaklolohan at nailigtas ng mga residente.

Agad na isinugod sa ospital ang mga nakaligtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.