Batas kailangan para hulihin ang mga nagve-vape: abogado

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 05:27 PM | Updated as of Nov 22 2019 06:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Iniutos kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police na hulihin ang mga taong gumagamit at nag-i-import ng vape o electronic cigarette sa buong bansa, sa kabila ng kawalan ng executive order (EO). 

May EO man o wala, iginiit ng abogadong si Noel Del Prado na bawal ang panghuhuli ng mga nagva-vape at sa mga nag-i-import nito hangga't walang batas na nagbabawal sa pag-vape sa buong bansa. 

Paliwanag ni Del Prado, nasa Kongreso ang kapangyarihan na gumawa ng mga batas na kinakailangan ng "police power." 

"Sa ating Konstitusyon ang ehekutibo 'yan ay tagapagpatupad ng batas. Dahil ang paggawa ng batas ay pantay na gawain sa sangay ng gobyerno. 'Yan ang [gawain ng] lehislatura ang House of Representatives at Senate," paliwanag ni Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" nitong Huwebes. 

"Yung police power na ipagbawal ang lahat ng nakasasakit o nakasasama sa ating kalusugan, sa kapayapaan, at kaayusan ng lipunan iyan ay maaaring ipagbawal ng Kongreso sa pamamagitan ng batas.... Siyempre kung gusto mong ipagbawal iyan sa buong bansa, kailangan mo ng batas." 

Maaalalang nilinaw na ng Philippine National Police na babalaan lang nila ang mga taong mahuhuling gumamit ng vape sa mga pampublikong lugar. 

"Sabi ko sa kanila, arrest, put them on the blotter and then release them," ani PNP officer-in-charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa, sa isang panayam noong Huwebes.

Pero ayon kay Del Prado, may kalalagyan pa rin ang mga pulis lalo't walang batas na magpapatibay sa pagpapahuli ng mga nagve-vape. 

"Kailangan ipaalam ng pulis [sa suspek] ang nilalabag na batas. Kung wala siyang masasandigan na batas, maaari siyang makasuhan," ani Del Prado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.