Pagdeklara ng 'state of calamity' sa Eastern Samar, pag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 02:44 PM

Bunsod ng matinding pagbahang dinulot ng bagyong Samuel sa Eastern Samar, pinag-aaralan na ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ang pagdedeklara ng state of calamity sa lugar.

Mahigit 30 barangay sa Dolores, Eastern Samar ang nalubog sa baha bunsod ng walang-humpay na ulang dala ng bagyo.

Binaha rin ang mga barangay sa mga bayan ng Can-Avid, Oras, at Jipapad.

Unang nag-landfall ang bagyo sa Borongan, Eastern Samar, bago mag-landfall nang lima pang beses habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.

Bukod sa Eastern Samar, binaha rin ang Northern Samar.

Bahagya namang lumakas ang bagyong Samuel habang papalabas ito ng West Philippine Sea, ayon naman sa PAGASA.

Mula sa PAGASA

Huling namataan si Samuel sa layong 240 kilometro hilaga hilagang-kanluran ng Puerta Princesa City sa Palawan, at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras (kph).

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kph.

Huling nag-landfall ang bagyo sa Roxas, Palawan alas-2 ng madaling araw ng Huwebes.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning Signal No. 1 sa Palawan kabilang ang Calamian Group of Islands.

Inaasahang lalabas na ng PAR ang bagyong Samuel gabi ng Huwebes o madaling-araw ng Biyernes.

Binabantayan ng PAGASA ang isa pang tropical storm na may international name na Man-Yi. Tatawagin itong "Tomas" kapag nakarating na ng PAR pero hindi ito inaasahang mag-landfall.

Para sa iba pang ulat-panahon, bisitahin ang ABS-CBN Weather Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.